Tuesday, September 29, 2009

Kung Minsan Puro Tayo Reklamo

Kung minsan ang tao ay puro na lang reklamo ang maririnig mo, complain dito complain doon. Parang walang contentment, pero kung minsan meron naman talagang valid na dahilan para dumaing o magreklamo.

Isa na ako sa mga mahilig magreklamo, reklamo sa ISP, sa traffic, sa mahal ng bilihin, sa bagal ng internet connection, sa init ng panahon at nitong huli sa baha na dulot ng bagyong Ondoy.

Sa totoo lang, nakakainis naman talaga at malaking perwisyo. Nandoon iyong kailangan namin ipanhik ang mga gamit namin para hindi mabasa at masira. Nandoon yung masira yung ibang gamit dahil mas nabigyan ng priority ang iba. Isama na rin dito na kailangang patayin ang main switch dahil aabutin ng baha ang mga outlet ng kuryente. Siempre para na rin nag brownout dahil hindi nga pwede gumamit ng kuryente.

Kinailangan ko rin na lumusong sa mabaho at maruming tubig baha para bumili ng mga pangangailangan. At siempre ang hirap kumilos at matulog dahil ang feeling mo ay napakarumi ng katawan mo kahit un bahaging itaas ng katawan mo ay paliguan mo pa. Maligo ka man lubog pa rin sa maruming tubig ang kalahati ng katawan mo kaya madumi pa rin ang pakiramdam mo. Nakakainis at nakakaasar, parang lahat gusto mo sisihin sa nangyari.

Pero sa likod pala ng lahat ng paghihirap at kadumihan na ito ay mayroong mas malala pa palang mga pangyayari. Wala palang kwenta ang lahat ng naranasan ko kung ikukumpara sa naranasan ng iba.

Marami pala ang nawalan bahay. Marami pala ang wala man lang nailigtas na gamit, pera at damit. Marami pala ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa malawakan at malaking pagbaha. Wala palang pinili ang bagyo. Mayaman at mahirap, maliit at malaki, bata at matanda, lahat ay apektado.

Lesson learned: Ating tandaan, ang lahat ng bagay, kasama na dito ang buhay ng tao, ay may hangganan o katapusan. Ang lahat ay pansamantala lang at kahit anong oras ay pwede mangawala at masira kaya hindi natin dapat ituon ang ating panahon at buhay sa mga bagay na ito. Walang masama na magkaroon tayo ng mga materyal na bagay pero dapat nating alalahanin na hindi ang mga ito ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay at umiiral.

Oo, kung minsan ay totoo na puro tayo reklamo, hindi natin naiisip na maraming bagay pala sa ating buhay ang dapat nating ipagpasalamat.

Sunday, September 27, 2009

Mga Larawan Pagkatapos ng Ulan

Grabe ang ulan noong Sabado, Sept. 26,2009. Ok lang sana ang ulan kaso yung baha na dulot ng pag-ulan ang malaking perwisyo. Ngayon lang ako nakaranas ng ganitong baha. Sayang hindi ko nakunan ng pictures yung "action" noong araw na iyon lalo na yung paglusong ko sa baha na halos hanggang dibdib ko. May kailangan kasi akong bilihin kaya napilitan akong lumusong. Ang dami ko nakasalubong at nakasabay sa paglusong. Yung iba pa nga may mga naisip na pagkakakitaan sa baha. Sayang hindi ko napaghandaan at siempre inuna ko muna intindihin yung mga kailangan namin sa bahay.

Pero meron akong mga pictures nung umaga ng Linggo, Sept. 27.  Narito ang ilan:






Sa totoo lang, ang dami talaga naabala, naantala at naperwisyo noong araw na iyon at pati nang sumunod na araw. Hindi na nga gumagalaw ang mga sasakyan sa OsmeƱa Highway at doon na kumakain yung ibang mga tao sa kanilang sasakyan. Yun isang kasamahan ko sa trabaho nakasalubong ko pa nga kinabukasan, doon na daw siya natulog sa sasakyan nya at iniwan na lang niya sa daan ito para makauwi na.

Ang hirap talaga dito sa atin, sana naman may magawa ang mga kinauukulan para maiwasan ang mga ganitong mga problema sa pagbaha. Kasi kung minsan konting ulan lang bumabaha na at nakakaperwisyo din. Sana lang...






Wednesday, September 23, 2009

Pagtama ng Jackpot sa Lotto - Posible ba Talaga?


Tumataya ka ba sa lotto at nangangarap na tumama dito ng malaking premyo balang araw? Posible ka ba talaga tumama dito o nag-aaksaya ka lang ba ng pera, pagod at oras sa larong ito?

Yan din ang mga tanong ko sa aking sarili matagal na. Kagaya mo, tumataya din ako sa lotto at nag-aasam na tumama dito. Matagal na rin akong nagbabakasakali dito gaya ng marami nating kababayan na matiyagang pumupunta at pumipila sa mga lotto outlets na nagkalat sa iba-ibang lugar.

Hindi na siguro maliit na halaga ang nagastos ko dito sa pagtaya mula pa nung buksan ito sa publiko. Binata pa ako noon at nag leave pa nga ako sa trabaho para lang paghandaan ang una kong pagtaya at mapag-isipan kung anong mga numero ang aking tatayaan.


Sari-saring pamamaraan ang aking ginamit at hinagilap sa internet para mapataas ang chance ng aking pagtama. Isa na rito ay ang paggamit ng lotto wheels na kung saan ang mga napili kong mga numero ay ihahanay o pagsasama-samahin sa iba-ibang kombinasyon batay sa isang "scientific method" para mabigyan ang tumataya ng garantiya na siya ay tatama kung sakaling lumitaw ang mga numero na kanyang pinili.(Pwede mong i-Google ang lotto wheels kung gusto mo ng mas malalim na paliwanag, pero kung may oras ako ay gagawa ako ng isang hiwalay na paksa tungkol dito, baka sakali lang...).

Bukod dito, meron din akong mga nakuhang mga "style" sa pagpili ng mga numero na kung iyong pag-aaralan ay para bang may matibay na basihan. Nagkalat sa internet ang mga iyan at ang iba pa nga ay may bayad pa. Isa na nga rin ako sa mga naloko ng mga mababait nating mga kaibigan sa internet. Bumili ako ng libro sa isang website dahil masyado akong bumilib sa kanilang "proven and scientific method". Tapos yun pala ay puro lotto wheels lang pala ang laman ng libro. Grabe, nakukuha lang ng libre yun kung hahanapin.

Pero ang lahat ng ito ay walang nagawa para manalo ako ng jackpot. Oo nanalo din naman ako sa ilang pagkakataon pero mga minor prizes lang. Ilang taon din ako tumaya pero wala pagbabago. Hanggang sa magsawa ako sa mga methods na napulot ko sa internet. Tumataya pa rin ako pero paminsan minsan na lang at hindi ko na masyadong pinag-iisipan pa ang mga numero na tatayaan ko. Minsan nga tinatamad na rin ako i-check kung tumama yung  mag numero ko. Minsan ilang weeks sa pitaka ko yung lotto tickets pero pag sinipag akong mag check talo rin naman, kakainis lang.


Noong isang beses pa nga nagkaroon kami ng pagtatalo nung isa kong kasama sa trabaho. Hindi daw ako tatama sa lotto, matutuyo daw ang dagat pero hindi daw ako tatama dito. Ang sabi ko, alam ko maliit ang chance ko na manalo pero mali naman na sabihin na hindi ako tatama as in parang walang chance.

Siyempre naasar ako dahil kahit paano at kahit maliit ang chance umaasam ako na manalo tapos sasabihan ako ng ganun. Iba yung walang chance sa maliit ang chance. Kahit paano may maliit na probability.


Pero in fairness dun sa kasama kong iyon ( nagpapansinan na kami ulit ngayon), tuwing tataya ako at matatalo, parang gusto ko na rin maniwala na matutuyo ang dagat pero hindi ako  tatama ng jackpot.


So in short, ano ba ang masasabi ko sa mga tumataya sa lotto? Eto ang ilan:

  • Huwag maniwala at lalong huwag bumili ng inpormasyon o kagamitan na sinasabing makakapagpatama sa iyo sa lotto. Kung totoo yan malamang hindi na nila iyan ipagbibili at ililihim na lang. Isa pa, marami namang libreng impormasyon na makukuha sa internet basta maghanap ka lang
  • Tumaya lang ng tama at huwag gumastos ng malaki. Ang hirap ng buhay ngayon di ba?
  • Huwag makipagtalo ng dahil lang sa lotto. Isipin mo na mas malaki ang chance na ikaw ay matalo sa iyong pagtaya kaya palalakihin mo lang ang ulo ng kadiskusyon mo
  • Kung  natalo ka, isipin mo na lang na nagagamit sa pagtulong sa ibang tao ang perang galing sa taya ng mga tulad natin
  • Kung sakali naman na dumating ang araw na ikaw ay manalo, please lang pahingi ng balato :) Joke lang po.

Posible ba talagang tumama ng jackpot sa lotto? Posible naman sa tingin ko pero lagi nating isipin na ito ay napakahirap abutin. Ang pagtaya dito ay hindi dapat gawing parang isang bisyo at lalong hindi dapat sandalan para sa ating kinabukasan.

Ating tandaan , maaaring hindi natin kayang utusan ang paglabas ng mga numero at mga bola ng lotto pero kaya nating utusan ang ating mga sarili upang gumawa ng ating sariling kapalaran.

Tuesday, September 22, 2009

The Biggest Threat to Information Security (IMHO)

We had a 3-day information security training last week, it was good but some of the things that were discussed only served as a reminder or a reviewer. The training room itself was large enough for the participants, the instructor looked confident (most of the time) and took time to answer questions and gave a few exercises. Breakfast, lunch and snacks were also served.

We were also introduced to a number of online and offline tools for data gathering and penetration testing. Live demos, such as the use of Cain and Abel, were given enough time so that we could get our hands wet and learn in the process.

The use of good passwords was also discussed and emphasized. Pointers and tips on how to spot fake or malicious emails were explained after giving sample emails that we could work on.

The importance of data encryption was also talked about during the training; PGP was mentioned as an example.

It was also pointed out that the human factor must also be considered as one of the weakest link in information security. No technology or any piece of hardware can provide security if humans make mistakes or when they deliberately and knowingly reveal confidential information. This is where proper education and training comes into play.

The difference between vulnerability assessment and penetration testing was also discussed. Choosing a PT vendor was also given importance. It was pointed out that the security certification of any penetration tester is worth considering but should not be the primary basis for selecting a particular vendor.

We also had an interesting and lively discussion about the computerization of our elections. We heard a lot of different opinions and views about the issue. I pointed out that it is not enough that the proposed system itself is secure and hacker-proof, the people behind the system should be trustworthy and cannot be bought with any amount money. Again, the human factor should be considered here.


After the training, I realized that there is no such thing as a secure system, it simply does not exist. Computer systems are designed, built, maintained and managed by imperfect humans who err every now and then. Human nature is the biggest threat to information security.

Monday, September 21, 2009

Mayabang Ka Ba?

Mahilig ka bang magyabang, magpasikat at magpahangin? O talagang papansin ka lang sa mga kakilala mo?

Siguro hindi iilan sa atin ang guilty sa mga gawaing iyan. Mayroong mga taong sadya, tahasan o diretsahan kung magyabang at mayroon naman mga taong "simple lang kung magpasiklab". Tama o mali?

Mayroong nagyayabang na may halo pang insulto at pamimintas sa kapwa nya para mapatingkad lang kung ano man yung kanyang ipinagyayabang. Ikunukumpara nya yung kanya sa iba para mapansin ng tao yung pagiging angat niya.

Mayroon ding mayayabang na naghihintay ng pagkakataon na mapansin kusa yung gusto nyang ipagyabang at saka lang siya magsasalita. Hindi siya tulad ng iba na hindi makahintay na hindi maipagparangya ang sarili niya o kung ano man yung mayroon siya (mamahaling relo, sasakyan, girlfriend, bahay,pera, atbp).

Pero sa totoo lang, kung minsan ay hindi rin talaga natin matiis na hindi magyabang kahit man lang sa magulang natin, mga kapatid o kasambahay natin. At siguro sila din yung mga taong makakaunawa sa atin at mas nakakakilala sa atin. At sa palagay ko, tama lang din naman na ipagyabang natin sa kanila at ipaalam sa kanila yung mga bagay na nakuha at narating natin sa buhay kung mayroon man.

Para sa akin, mayroong pagyayabang na wala sa lugar at dapat iwasan para hindi kainisan. Lalo na kung wala at malayo naman sa katotohanan yung ipinagyayabang.

Ang payo ko lang sa mayayabang, sana yung totoo lang yung ipagyabang at iwasan yung magkumpara at mag-insulto o mamintas ng iba.

Robot sa Raon


Matagal-tagal na rin akong hindi nakakagawa ng mga electronic projects at sa ngayon ay medyo "kinakalawang" na nga yata sa ako sa electronics, baka hindi na nga steady ang mga kamay ko para gumamit ulit ng soldering iron.

Nung minsan, napagawi ako sa Sta. Cruz, Manila, dun ba sa kalsada na kung tawagin ngayon ay Gonzalo Puyat pero mas kilala dati sa pangalang Raon. Sa mga mahilig sa electronics, kilala ang Raon na bilihan ng mga piyesa ng TV, radyo, at iba pang kasangkapan o aparato na tumatakbo sa kuryente.

Pero sa ngayon, hindi lang siguro sa electronics kilala ang Raon. Nagkalat na rin dito ang mga nagbebenta ng mga pirated na DVD, bola-bola, kalamares, kikiam, one-day old chick at ang paborito kong tokneneng (na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magaya-gaya sa bahay at laging palpak ang luto).

Sa paglibot-libot ko sa Raon, nadaanan ko ang isang shop na hindi ko na babanggitin ang pangalan. Kilala ang shop na ito sa mga tinda nitong electronic books, magazines, circuits at spare parts. Ang huling punta ko dito ay medyo matagal na at iyon ay nung time na nahihilig ako sa pag assemble ng mga simpleng robots na sa bandang huli ay nilimot ko rin dahil walang mabiling parts dito sa atin.

Pero mukhang mabubuhay ulit ang dating hilig ko nang makita ko sa shop ang ilang robot kits na ipinagbibili nila doon. Isa na dito ay yung Bioloid Robotic Kit na sa unang tingin ko pa lang ay mukhang hindi bababa sa sampung libong piso. Gusto ko sana mabuksan at makita ang laman ng kahon nito pero nagdalawang isip ako dahil wala naman akong budget o pambili nito.

Pero sa tingin ko ay mukhang maganda ang robot na iyon at hindi tulad ng mga robot na sinubukan kong mabuo noon. May programming na involve dito sa palagay ko dahil mukhang complicated ang mga movements nito.

So ang nangyari umuwi na lang ako para mag-Google at maghanap ng additional info tungkol sa Bioloid. Sobrang galing talaga ng Google kaya konting clicks lang nahanap ko na yung kailangan ko. Nakapag download ako ng PDF manual ng robot at ilang videos nito. Ok pala talaga ang Bioloid, maraming possible na configuration options at modular kaya pwede gumawa ng iba-ibang robot using yung parts na kasama sa kahon.

Ang paborito ko ay yung humanoid na robot. Ok na ok at talagang nakakabilib talaga. Puwede mo siya pasayawin, palakarin, pahigain at padapain. Yung may-ari ang bahalang magpagalaw sa robot. Para pala itong hightech na puppet kumbaga. Hindi ko pa nababasa ng buo yung manual pero ang dami talaga options.

Tapos nalaman ko rin na yung beginner kit ay mga 15K ang presyo so yung more advanced na kit sa tingin ko ay 40 to 50K siguro. Eto yung kailangan para mabuo yung humanoid.

Sayang ang mahal pala, kung magkapera man ako baka hindi rin ako makabili. Siempre unahin ko muna yung mas importante, pero kung magkakaroon ako ng extra money talaga na sapat baka sakaling bumili ako... hindi naman kasi ako rich kid.

Kailan kaya nila ibibenta ng limang daan yun?

Naniniwala Ka Ba sa Multo?

Naniniwala ka ba sa multo? Nakakita ka na ba nito o nakarinig at nakabasa lang ng sari-saring kuwento tungkol sa multo?

Mula pa sa pagkabata, marami na akong napanuod na mga pelikula sa TV at sinehan na nagpapakita ng mga istorya ng pagpapakita ng mga multo. Marami na rin akong narinig sa mga bata at matanda na nagsasabi na nakakita na sila ng multo. At sa totoo lang, naranasan ko na ring matakot sa dilim o sa isang lugar dahil sa mga "kakaibang pakiramdam" noong ako ay bata pa.

Pero ngayong ako ay may edad na, naisip ko lang na parang walang saysay na matakot o maniwala sa multo lalo na kung ang pagbabasihan ay ang mga karaniwang nakikitang multo sa mga palabas at pelikulang Filipino o banyaga man. Naisip ko lang, kung meron mang totoong multo, sa tingin ko ay iba sa mga napapanuod natin.

Kung ang mga multo ay ang mga kaluluwang nagbabalik at nagpapakita sa mga taong nabubuhay pa, bakit may mga suot na damit ang mga ito? At kung minsan ay bihis na bihis pa nga na parang may pupuntahan na pagtitipon o handaan. Kung ang kaluluwa ng tao ay walang "material existence" ay paano mangyayari na makapagsuot pa sila ng damit? Pati ba ang mga damit at kasuotan ay may kakayanan din ba na magmulto? Pwede ba kumapit ang damit sa kaluluwa ng tao?

Hindi ako nagkukunwari na expert sa ganitong topic pero sa palagay ko naman ay may point ang mga tanong ko na ito sa mga naniniwala sa multo. Kung meron mang multo na nagpapakita, malamang ay wala itong damit o nakahubad. Kaya sa tingin ko talaga ay dapat pagdudahan yung mga nagsasabi na nakakita na sila ng multo lalo na kung sinasabi pa nila na nakasuot ng puti o may dalang isang bagay na importante dun sa taong namayapa na.

Pero para sa akin, hindi tayo dapat maniwala sa multo may damit man o wala.