Saturday, November 28, 2009

Mag-Ingat sa mga Magnanakaw

Mag-ingat tayo sa mga magnanakaw. Hindi ko alam kung bagong style lang nila itong ikukwento ko pero mabuti na rin siguro na malaman ng iba para makaiwas. Makaiwas ha at hindi para gayahin ng ibang magnanakaw.

Gaya ng nasabi ko na sa iba kong post, may maliit na business kami ng asawa ko. Meron kaming sari-sari store doon sa aming bahay. Noong isang araw, habang ako ay nasa trabaho pa, may isang kabataang babae na may itsura daw ang pumunta sa amin para bumili. May magandang cellphone daw ito at mukhang maraming pera kung itsura ang pagbabasihan.

Natuwa ang asawa ko at ang hipag ko dahil marami daw order ang babae. Siempre gusto nila kumita kaya masaya nilang inisa-isang inihanda ang mga order ng customer. Labing limang footlong sandwich, sampung french fries, 20 kilo na bigas at anim na tig 1 liter na softdrinks daw ang kukunin kaya medyo naging busy ang dalawa. May bisita daw na mga Koreano ang customer kaya ganun kadami ang kailangan niyang bilhin at nagtanong pa nga kung sapat na iyon.

Tinanong daw ng babae kung dadalawa lang daw sila at nakisuyo pa daw na maglabas ng upuan para makaupo siya habang naghahantay. Naglabas naman sila ng bangko pero mabilis na pumasok ang babae nung buksan nila ang gate. Inutusan daw ng babae ang hipag ko na kwentahin na kung magkano ang kanyang babayaran.

Napansin daw ng hipag ko na nakatingin sa loob ng bahay ang customer. Nang tanungin niya ito ay sumagot na nanonood lang daw ito ng TV. So itinuloy na lang nila ng asawa ko ang ginagawa. Pero medyo nagduda pala ang asawa ko kaya tumingin din siya sa loob ng bahay. Dito niya napansin na naiba ng ayos ang ilang gamit namin kaya pumasok siya para ma-check.

Wala na ang cellphone nilang dalawa ng hipag ko, ang natira na lang ay ang "low-tech" at luma na Nokia na hanggang ngayon ay gumagana pa. Madali niyang nilapitan ang customer na noon ay nasa may gate na pala namin. Doon niya napansin na nakalitaw sa bulsa ng customer ang "palawit" ng kanyang cellphone.

"Bakit nasa iyo ang cellphone ko?" ang tanong ng asawa ko.

"Ah ito ba, sa iyo ba ito? Bakit nasa akin ito?" ang nakakatawang sagot ng babae sabay abot ng cellphone sa asawa ko.

"Eh yang isang bulsa mo?" ang tanong ulit ng asawa ko. At naroon nga ang telepono ng hipag ko.

"Bakit nasa akin ito?" ang nakakainis at nakakatawa uling sagot ng kawatan.

Tapos inilabas ng impakta pati yung magandang cellphone niya sabay tanong na "Eto, sa iyo rin ba ito?" Pagkatapos nito ay mabilis na kumaripas ng takbo habang sumisigaw na "Pinagbibintangan ako dito! Pinagbibintangan ako dito!"

Grabe, ang lakas ng loob na gumawa ng kalokohan tapos ang lakas din ng loob na palitawin na pinagbibingan lang siya. Ang hirap talaga ng buhay ngayon, pati magagandang babae marunong na magnakaw at manloko sa batang edad pa lang.


Ang aking paalala, konting ingat po, lalo na sa mga kalalakihan, baka matangay tayo sa ganda ng anyo at hindi natin agad mapansin na niloloko na tayo. Ang sabi nga ng matandang kasabihan "Don't judge a book by its cover"


Saktong-sakto.

No comments:

Post a Comment