Saturday, December 5, 2009

Alam ba ng mga Pangit?

Huwag naman sana ma offend ang mga makakabasa pero isang seryoso at honest na tanong lang: alam kaya ng mga pangit na sila ay pangit?

Alam at tanggap kaya nila ang kanilang kalagayan o sa kanilang mga sariling paningin ay magaganda o mga guwapo sila? At kung alam man nila, ano kaya ang pakiramdam nila? Naiilang at nahihiya ba sila o bale wala lang sa kanila ito?

Gusto ko sana mag interview pero hindi magiging maganda ang dating ko at mababastos ko lang sila. Hindi ko naman pwede tanungin ang sarili ko dahil sa aking palagay ay hindi naman ako pangit.

Pero sa palagay ko lang naman iyon at maaaring hindi naman ganon ang tingin ng ibang tao sa akin. Malay ko, baka para sa iba ay pangit din ako. At ito na nga mismo ang gusto ko sana masagot. Kahit kasi sa pag-uugali kung minsan yun inaakala nating tama ay mali pala sa iba. Akala natin minsan ay matuwid tayo pero baluktot pala ang ating katuwiran sa tingin ng ibang tao.

Siguro ay mas mabuti na lang na ating ipalagay na wala talagang pangit na tao at wala rin sigurong maganda. Ang kagandahan at kapangitan ay isang bagay na nababatay sa palagay o pananaw ng nakakakita.

Isa pa, hindi dapat mapako ang ating mga paningin sa kagandahan lalo pa kung panlabas lang ito. E ano naman kung pangit ako at guwapo ka? E ano naman kung guwapo ako at pangit ka? Hindi ba mawawala din ang pagkakaiba balang araw?

Kaya yung magaganda diyan sana huwag nyo apihin ang mga pangit. At yun naman mga pangit diyan sana huwag nyo kainggitan at kasuklaman ang magaganda. Lahat ng tao, pangit man o maganda, ay may kanya-kanyang bahagi at papel sa buhay at mundo nating ito.

Ating tandaan: Beauty is in the eyes of the beholder.

No comments:

Post a Comment