Kung minsan ang tao ay puro na lang reklamo ang maririnig mo, complain dito complain doon. Parang walang contentment, pero kung minsan meron naman talagang valid na dahilan para dumaing o magreklamo.
Isa na ako sa mga mahilig magreklamo, reklamo sa ISP, sa traffic, sa mahal ng bilihin, sa bagal ng internet connection, sa init ng panahon at nitong huli sa baha na dulot ng bagyong Ondoy.
Sa totoo lang, nakakainis naman talaga at malaking perwisyo. Nandoon iyong kailangan namin ipanhik ang mga gamit namin para hindi mabasa at masira. Nandoon yung masira yung ibang gamit dahil mas nabigyan ng priority ang iba. Isama na rin dito na kailangang patayin ang main switch dahil aabutin ng baha ang mga outlet ng kuryente. Siempre para na rin nag brownout dahil hindi nga pwede gumamit ng kuryente.
Kinailangan ko rin na lumusong sa mabaho at maruming tubig baha para bumili ng mga pangangailangan. At siempre ang hirap kumilos at matulog dahil ang feeling mo ay napakarumi ng katawan mo kahit un bahaging itaas ng katawan mo ay paliguan mo pa. Maligo ka man lubog pa rin sa maruming tubig ang kalahati ng katawan mo kaya madumi pa rin ang pakiramdam mo. Nakakainis at nakakaasar, parang lahat gusto mo sisihin sa nangyari.
Pero sa likod pala ng lahat ng paghihirap at kadumihan na ito ay mayroong mas malala pa palang mga pangyayari. Wala palang kwenta ang lahat ng naranasan ko kung ikukumpara sa naranasan ng iba.
Marami pala ang nawalan bahay. Marami pala ang wala man lang nailigtas na gamit, pera at damit. Marami pala ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa malawakan at malaking pagbaha. Wala palang pinili ang bagyo. Mayaman at mahirap, maliit at malaki, bata at matanda, lahat ay apektado.
Lesson learned: Ating tandaan, ang lahat ng bagay, kasama na dito ang buhay ng tao, ay may hangganan o katapusan. Ang lahat ay pansamantala lang at kahit anong oras ay pwede mangawala at masira kaya hindi natin dapat ituon ang ating panahon at buhay sa mga bagay na ito. Walang masama na magkaroon tayo ng mga materyal na bagay pero dapat nating alalahanin na hindi ang mga ito ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay at umiiral.
Oo, kung minsan ay totoo na puro tayo reklamo, hindi natin naiisip na maraming bagay pala sa ating buhay ang dapat nating ipagpasalamat.
No comments:
Post a Comment