Monday, October 12, 2009

Multo sa Kabilang Kwarto

Gaya ng naipahiwatig ko na sa unang post ko sa blog na ito, ayoko talaga maniwala sa multo. Pero may isang pangyayari na magpapabago yata sa paniniwala kong ito. Share ko lang sa inyo ang story ko.

Bagong lipat lang kami ng asawa ko sa bahay na tinutuluyan namin ngayon. Hindi ito masyadong malayo sa dati naming bahay at sa company na pinapasukan ko. Isang lingo pa lang noon ay napansin ko na madalas nagla lock ang doorknob ng isa naming kwarto sa itaas ng aming bahay. Hindi naman nakasara yung pinto pero yung pinaka-lock ng doorknob ay madalas na nakakandado.

Tinanong ko ang mga kasama ko sa bahay at sinabihan na ingatan na huwag mai-lock ang knob para pagdating ko ay makakapasok agad ako sa kwarto para magbihis. Hindi naman daw nila ginagalaw yung knob kaya medyo nagtaka ako at nag-isip. Pero kinalimutan ko na lang ang bagay na iyon.

Kaya lang, nitong huli ay medyo nainis ako. Pagpanik ko sa kwartong iyon ay nakita ko na naka-lock na naman ang knob. This time, nakasara na ang pinto kaya hindi ako nakapasok agad at kailangan ko pa kunin ang susi. Tinanong ko uli ang ang mga kasama ko at pinagsabihan pero talagang hindi naman daw nila ginagalaw ang kandado ng pinto.

Pinalampas ko na lang ulit ang pangyayari. Pero laking gulat ko ng sumunod na gabi ay naka-lock na naman ang knob. Inalis ko na lang ulit ang lock at nagtanong ulit. Gaya ng dati, ganoon pa rin ang sagot nila. Kaya bumaba na lang ako at kumain habang nagkukwentuhan silang tatlo sa ibaba ng bahay.

Heto ngayon ang sumunod na pangyayari. May kailangan akong kunin sa kabilang kwarto na madalas mag-lock kaya pumanik ako ulit. Na curious akong i-check ang doorknob at sa laking gulat ko ay naka-lock na naman ito! Kanina lang bago ako bumaba ay sinigurado ko na nai-unlock ko na ito.

Sa totoo lang ay medyo kinabahan na ako. Noon ko napatunayan na talagang kusa itong nagla-lock dahil lahat kami ay nasa baba ng bahay. Sinabi ko na ito sa mga kasama ko at sinabi nila na hayaan ko na lang na ganoon.

So ang ginawa ko ay nag-unlock na lang ulit ako at pinagpatuloy na lang ang ginagawa ko sa ibaba. Pero dahil sa sobrang pagtataka, muli akong bumalik sa kwarto para i-check ang knob. Pagharap ko sa pinto at mabilis kong hinawakan ang knob para alamin kung nag-lock na naman ito o hindi. Hayun, hindi ito nag-lock mag-isa this time. Naisipan ko lang na magkunwari na lumayo ng konti sa pinto pero dali-dali din na bumalik para hawakan ulit ang knob. Naku po! Naka-lock na naman ang doorknob!

Dahil dito, pumunta na ako sa kapatid ko sa kabilang bahay para mapapunta yung marunong mag-check at mag-ayos ng kandado. Sinabi ko na rin ang totoo kaya na curious na rin ang kapatid ko at sumama na siya para tingnan kung totoo ang sinasabi ko o hindi.

Gaya ng madalas na pangyayari sa mga pelikula, napahiya ako sa kanya dahil hindi naman nag-lock ang doorknob. Pero nangako pa rin siya na papupuntahin niya kinabukasan ang gagawa ng pinto. Natulog na lang ako at kinalimutan pansamantala ang nangyari.

Kinabukasan ay naligo ako at naghanda sa pagpasok sa trabaho. Kinailangan kong pumunta ulit sa kabilang kwarto dahil doon ang aking bihisan. Sinubukan ko ulit ang doorknob pero hindi ito naka-lock. Muli akong lumayo sa pinto. At sa aking paglayo ay narinig ko na tumama ang pinto sa dingding ng kwarto. Bumalik ako dito para tingnan ang doorknob. At gaya ng dati, muli itong nag-lock!

Pero this time ay hindi na akong masyadong kinabahan dahil may nabuo ng theory sa aking isipan nang marinig kong tumama ang pinto sa dingding kanina. Tinanggal ko sa pagkandado ang knob at marahang itinulak ang pinto para tumama ang doorknob sa dingding.

Ayun, tama ang aking naging sapantaha! Nagla-lock kusa ang doorknob kapag tumatama ito sa dingding. Siguro ay tumatama ito kung minsan sa dingding kapag nahihipan ng hangin o kung naitutulak kung minsan ng mga kasama ko sa bahay. Ito pala talaga ang dahilan at paliwanag na aking hinahanap.

Pero siempre kailangan ko pa rin siguro patingnan ang doorknob dahil sobrang dali naman nito mag-lock sa konting tulak lang at konting pagtama lang nito sa dingding. At siempre nawala na rin ang aking kaba.

Natawa na lang kaming magkakasasama sa aming bagong tuklas na paliwanag. At siempre ganun na rin ang naging reaction ng kapatid ko.

Ayos!

No comments:

Post a Comment